Header Ads

Sa Likod Ng Awiting Tatsulok

Sa panahon natin ngayon, ang awiting "Tatsulok" ay kilala nating binigyang himig ng bandang Bamboo. Pero alam nyo ba, na ang awiting ito ay orihinal na isinulat noong 1989 ni Rom Dongeto at binigyang buhay ng kanyang bandang Buklod.


Hindi iikot ang ating talakayan sa bawat titik ng lyrics ng awiting ito, ngunit may koneksyon ang awiting ito sa nais kong ipunto sa artikulong ito.

Ang imahe o hugis ng tatsulok ay larawan ng pagkakahati-hati at hindi pagkakapantay-pantay ng mga uri sa ating lipunan. Ang bawat uri ng tao ay nakabase sa katayuan ng kanyang kabuhayan o economic status.

MAGSASAKA

Ang kabuhayan ng mga magsasaka ay nakabatay sa lupa. Ang pundasyon nito ay ang pagtatanim. May tatlong klase ng magsasaka.

Una, ang magsasakang may pag-aari ng maliit na bahagi ng lupain. Bihira ang magsasaka na nag-aari ng sariling lupa. Sapat ang kinikita nila sa pagsasaka upang mabuhay ang kanilang pamilya.

Pangalawa, ang magsasakang walang sariling lupa. Nakikirenta lamang sila sa nagmamay-ari ng malalawak na lupain. Porsyentuhan ang hatian sa produksyon sa pagitan ng magsasaka at ng kanyang inuupahan. Madalas mas malaki ang napupuntang kita sa may-ari ng lupain na sakahan.

Pangatlo, ang magsasakang walang sariling lupa at walang kakayahang umupa ng lupa. Sila ay mga trabahante sa mga hacienda o may-ari ng malalawak na lupain. Wala silang porsyento sa kita ng sakahan at nakaasa sila sa pasweldo ng may-ari ng lupain.

Sa sistema ng produksyon, may-ari ka man ng maliit na lupain, nakikirenta, o trabahadror ay may mga partikular lamang na produktong itinatanim ang mga magsasaka. Nakasentro ang bentahan ng mga produktong pananim sa pangangailangan ng mga malalaking kompanya sa nasasakupang lugar kung saan sa kanila ibinabagsak at ibinibenta ang mga produkto ng magsasaka.

Ang mga kompanyang pinagbebentahan ng produkto ay ang nagmamay-ari din ng pinakamalalawak na lupain sa partikular na lalawigan. Madalas sila din ang nagpapatakbo ng gobyerno sa kanilang lugar, mga politiko sa kanilang nasasakupan, at nagmamay-ari din ng iba pang mga negosyo.

MANGGAGAWA

Nakabatay ang kabuhayan ng mga mangagawa sa kanilang lakas-paggawa o labor force. Matatagpuan sila sa mga factory, mga ginagawang gusali, at iba pang institusyon o negosyo na ginagamitan ng lakas-paggawa.

Binibenta ng mga manggagawa ang kanilang kakayahan o lakas-paggawa sa halagang minimum wage. Depende pa ito, madalas mas mababa pa sa minimum at ang isa pa, hindi pare-pareho ang presyo ng minimum wage sa bawat probinsya sa bansa. Pinakamataas na sa lungsod ngunit hindi pa din nakasasapat.

Ang mababang sweldo ang isa sa pinakamasamang katayuan ng mga manggagawa. Sinalubong pa ito ng kontrakwal na trabaho kung saan limitado ang panahon ng kanilang serbisyo. Madalas pa sa mga factory, per kota ang pamantayan ng kita. Kung mabagal ka sa paggawa ng produkto mauuwi sa kakarampot ang sasahurin mo.

Nakapako sa oras ang lakas-paggawa at sweldo ng mga manggagawa katumbas nito ay ang hindi magandang usad ng kalakalan. Mataas na pamasahe sa transportasyon papuntang trabaho, mahal na bilihin para sa pagkain, kakapusan ng benipisyo mula sa gobyerno tulad sa kalusugan, pabahay para sa pamilya, edukasyon para sa mga anak, at iba pa.

Ang mga malalaking factory at iba pang mga negosyo na pinagtatrabahuan ng mga manggagawa ay pag-aari din ng mga pinakamalalaking kompanya. Minsan sila din ay nakaupo sa pwesto sa pamahalaan o minsan sila ay nagpopondo sa mga politiko. Ang ganansya nila rito ay ang proteksyon at pagpapaunlad ng kanilang mga negosyo.

PETI-BURGESYA

Ang buhay ng mga peti-burgesya ay nakaasa sa kanilang propesyon. Sila ay mga estudyante, doctor,  nurse, engineer, lawyer, teacher, at iba pa. Sila ay matatagpuan sa mga pampubliko at pribadong institusyon kung saan sila nagseserbisyo.

Karamihan sa mga peti-burges na nakapagtapos ng kanilang propesyon ay mas pinipiling mangibang bansa. Sa liit ng sahod sa Pilipinas ay masasabi natin na mas malaki pa ang sweldo ng isang domestic helper, janitor, o service crew sa ibang bansa kumpara sa sweldo ng isang nurse o kahit teacher sa ating sariling bansa.

Malayo sana ang mararating ng ating ekonimya kung ang ating mga propesyunal ay ilalaan ang kanilang talino at galing para sa pagpapaunlad ng ating bansa. Subalit hindi ito kayang tumbasan ng gobyerno at ibang institusyon ang sahod batay sa kanilang kwalipikasyon, kaya mas pinipili nila na makipagsapalaran sa ibayong dagat.

Ang mga institusyon kung saan naglalaan ng serbisyo ang mga peti-burgesya ay pagmamay-ari din ng mga malalaking kompanya. Ang mga may-ari nito ay naglalaan at tumataya ng milyong piso tuwing eleksyon upang pondohan ang mga pambato nila na politiko at mambabatas. Kung kaya naman walang maayos na batas sa bansa para tugunan ang benipisyo para sa ating mga propesyunal.

PAMBANSANG BURGESYA

Ang mga pambansang burgesya ay ang mga lokal na negosyante, nagmamay-ari ng maliliit na factory. Sila ay ang pambansang manufacturer na nakaasa sa magaan o mababang kalidad ng industriya.

Matindi ang kompitisyon sa merkado sa usapin ng pababaan ng presyo ng produkto at pataas ng supply nito. Dito nalulugmok ang pambansang burgesya.

Ang mga malalaking kompanya mula sa ibang bansa at mga lokal na malalaking kompanya ang mas may kakayahan na bumili ng mas mauunlad at mabibigat na industriya na kayang magproduce  ng mga dekalidad na produkto tulad ng bakal, langis, enerhiya, at iba pa. Monopolyado nila ang merkado.

Nauuwi sa pagbagsak ng negosyo ang pambansang burgesya sa kadahilanan ng kawalan nitong kakayahan na bumili ng mas mauunlad na industriya upang mapabilis ang produksyon. Sa tindi ng kompitensya, nalulugi ang ating mga lokal na produkto.

Tuluyang dinudurog ng mga malaking dayuhang kompanya at lokal na korporasyon ang mga maliliit na negosyante sa buong bansa, resulta ng tuluyang pagpawi ng mga produktong sariling atin.

MALAKING BURGESYA KUMPRADOR AT PANGINOONG MAY LUPA

Sila ay napakaliit na bahagi ng populasyon ng ating bansa. Mga dayuhan na namumuhunan sa ating bansa at mga lokal na pilipinong naghahari na monopolyado ang merkado.

Sa malalaking lupain na pagmamay-ari ng mga burgesya kumprador at panginoong may lupa umuupa at umaasa ang ating mga magsasaka. Sa mga negosyo nila nagtatrabaho ang mga manggagawa. Sa mga institusyon nila nagserserbisyo ang mga peti-burges, at sila ang matinding kakumpetensya sa negosyo ng pambansang burgesya.

Kung tutuusin mayaman ang Pilipinas sa agrikultura. Marami tayong mga kabundukan na kayang magproduce ng iba't-ibang mga mineral. Malawak ang ating karagatan at lupain upang tustusan kahit pa makatatlong ulit ng bilang ng ating populasyon sa kasalukuyan.

Subalit ang lahat ng likas na yaman na ito ay hindi tayo ang nakikinabang. Katangian ng burgesya kumprador na i-export ang ating mga hilaw na materyales sa ibang mga bansa dahil sa mataas ang kalidad ng ating mga produkto. At katangian din nila na mag-import ng mga mabababang klase ng produkto sa ating bansa mula sa ibang bansa.

Para tayong ninanakawan ng mga malalaking kompanya kapalit ng maliit na kabayaran sa sistemang sahuran.

Ang awiting tatsulok ay hindi lang isang simpleng awitin na nakilala natin sa ating panahon. Sa likod ng bawat linya nito ay nakatago ang kwento ng hindi pantay at hindi patas na mga uri sa ating lipunan.

Sabi nga sa kanta 'Hindi pula't dilaw tunay na magkalaban, ang kulay at tatak ay 'di siyang dahilan, hanggat marami ang lugmok sa kahirapan, at ang hustisya ay para lang sa mayaman'.

Ang burgesya kumprador at panginoong may lupa ay ang may kapangyarihan sa ating ekonomiya at maging sa politika. Kontrolado nila ang estado at nasa mga kamay nila ang hustisya. Kaya't kung nakakaranas ka ng kahirapan sa ngayon, 'wag mong isipin na ito ay pagsubok lang ng isang bathala, o itinadhana ka na ganito o di kaya naman sinisisi mo ang sarili mo.

Nasa takbo ng sirkulasyon ng ating lipunan kung bakit ka naghihirap, kung bakit may nagugutom, walang matirhan, walang trabaho, kapos sa kalusugan at edukasyon. May tunggalian ng uri sa pagitan ng mga magsasaka, manggagawa, peti-burgesya, pambansang burgesya laban sa burgesya kumprador at panginoong may lupa. Ito ang ugat ng kahirapan.


Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.