Header Ads

Paano Nanalo Si Duterte Sa Pagkapresidente?

Maipagmamalaki ko na isa ako sa mga boluntaryong tumulong at sumuporta nitong nakaraang eleksyong 2016 kay Mayor Rodrigo Duterte na ngayon ay ang ating kasalukuyang Presidente. Matapos ang eleksyon, panahon ng Hunyo 2016 bumalik sa aking mga ala-ala ang mga araw ng pagsisilbi ko sa isang team na nakapailalim sa isang grupo ng makinarya ni Mayor Duterte.


Bago ang lahat, sino nga ba si President Rodrigo Roa Duterte?

Si Presidente Rodrigo Roa Duterte o mas kilala na Digong ng Davao City ay mula sa pamilya ng mga politiko. Siya ay ipinanganak noong March 28, 1945 sa Maasin City, Southern Leyte. Siya ay anak nina Vicente Duterte at Soledad Roa-Duterte na parehong dating naging Gobernador ng Davao. Siya ay may mga kapatid na sina Benjamin Duterte at Jocelyn Duterte.

Si Digong ay nakapagtapos ng Bachelor of Arts sa Lyceum of the Philippines sa Maynila at kumuha ng propensyon sa pag-aabogasya sa San Beda College. Noong 1977 siya ay nagsimulang maging abogado bilang Special Councel sa City Prosecution Office sa Davao City. At naging second Assistant City Prosecutor sa loob ng anim na taon noong 1983.

Noong 1986 itinalagang officer-in-charge bilang Vice Mayor ng Davao City si Digong. At noong 1988 lumaban siyang alkalde ng syudad, nanalo at nagsilbi sa posisyon sa loob ng sampung taon. Noong 2001, lumaban siyang Congressman sa unang distrito ng Davao City at naabot ang pagkaupo sa House of Representatives.

Muli siyang nahalal noong 2004 at 2007 bilang Mayor ng Davao City. Ibig sabihin umabot na sa 22 taon ang kanyang panunungkulan. At noong 2010 nahalal siyang vice-mayor habang ang kanyang anak na si Sarah Duterte-Carpio ay nanalo namang Mayor. At noong 2013 muli siyang naupo bilang Alkalde ng syudad.

Mula ng pumasok sa politika si Digong ay hindi pa siya natatalo sa pagtakbo. Sa buong kasaysayang ng mga naging pangulo sa Pilipinas, siya ang kauna-unahang presidente na nagmula sa Mindanao at pinakamatanda na naupo bilang pangulo sa edad na 71.

Noong April (2016), taong kasalukuyan tinawagan ako ng aking kaibigan kaugnay sa pagtulong ng kampanya para kay Digong. Hindi na ako nagdalawang isip at agad ko itong tinanggap. Nirekomenda at ipinakilala ako ng aking kaibigan sa isang Boss na nakadirekta mismo kay Digong. Sa opisina sa Las Pinas kami nagkatalakayan ni 'Boss B', dito tinalakay niya ang kakapusan ng budget ng kampanya ni Digong at sa kabila nito ay ang pangangailangan na turulin ang mga lugar na tukoy nila kung saan mahina si Mayor. Ipinahawak sa akin ni Boss B ang obligasyon sa visual propaganda sa isang Distrito ng Quezon City at apat pa na syudad sa Metro Manila.

Nagkaroon ako ng kwestyon, at sa gitna ng talakayan ay hindi ko naiwasan na itanong ito kay Boss B. Sabi ko sa kanya, nangunguna si Duterte sa survey at kung itong araw mismo gaganapin ang eleksyon panalo na si Digong. Kaso para sa akin, gagawin lahat ng kasalukuyang administrasyon ang paraan upang manatili sa posisyon. Mahigpit ang kapit ng Liberal Party sa U.S.A. at malaki ang posibilidad na magkaroon ng anomalya sa darating na eleksyon. Naniniwala ako na simula't sapul na nagkaroon tayo ng republika lagi't-lagi na nariyan ang U.S. para manghimasok. Ano ang tingin mo rito boss, mananalo pa ba si Duterte?

Sagot  niya sa akin, 'Oo, nariyan ang U.S. para makielam'. Naisip ko parehas pala kami ng aking boss sa prinsipyo ng panghihimasok ng U.S. sa politika ng Pilipinas bawat eleksyon. Pinagpatuloy nya ang pagtatalakay at punto per punto niya akong sinagot. Narito at ibabahagi ko sa inyo ang aking mga kaalaman na natutunan sa taktika ng kampanyang elektoral ni Digong.

1.     DAVAO CITY

Tulad ni Vice President Jejomar Binay ginamit ang Makati City bilang mukha ng kanyang kampanya bilang isa sa pinakamaunlad na syudad sa Pilipinas. Matatandaan na noong pagkaupo palang na Vice President si Binay noong 2010 maaga na niyang ipinahayag ang kanyang planong kandidatura bilang pangulo sa darating na 2016. Siya ang nangunguna noon sa survey at ito ang naging turol ng mga kalaban sa politika ni Binay, ang siya ay pabagsakin at pababain sa survey. Ang maagang pagpapahayag ni Binay sa pagkapangulo ay isa sa pagkakamali sa taktika ng kanyang kampanya. Ginamit ng mga kalaban ni Binay ang mismong Makati City na kanyang ipinagmamalaki upang i-expose ang lahat ng anomalya rito.

Malaki ang kaibahan nito kay Digong sa Davao City pero may koneksyon sa mukha ng kampanya. Ang maunlad at tahimik na Davao City ay natural na naging matunog sa media, social media, sa buong bayan, at maging sa buong mundo. Ang mahabang serbisyo ni Mayor Duterte sa Davao City ay isa sa naging pundasyon ng kanyang kampanya, ito mismo ang kanyang naging mukha.

Nakilala si Digong bilang isang Mayor na galit na galit sa droga at krimen, mapusok, kinakatakutan, disiplinado, at istrikto sa ordinansa. Kaya naman na ang dating magulong Davao City ay naisaayos niya sa loob ng ilang dekada niyang  panunungkulan. Naging tahimik ang Davao City, at isa sa pinakaligtas na lugar hindi lamang sa buong Pilipinas kundi sa buong mundo. Mabilis ang serbisyo at ligtas ang mamamayan nito dahil sa mahigpit na kampanyang lokal laban sa krimen at droga.

Napatunayan ko ito mismo ng minsan akong makapasyal ng Davao. Kaya naman ang kampanya na kung nagawa sa Davao City bakit hindi sa buong bansa? Na sa gitna ng matinding paglaganap ng kahirapan, krimen, at droga kakailanganin natin ng isang presidente na matapang at may paninindigan. Ito ang naging mukha ni Duterte.

2.     FEDERALISMO

Sa gitna ng matinding kahirapan, ang bayan at mamamayan ay laging naghahanap ng alternatibong solusyon. At sa usaping kampanya ang mga alternatibong solusyon na ito ay isa sa mga pundasyon ng mga kandidato upang magwagi sa posisyon. Solusyon sa kahirapan, gutom, kawalan ng trabaho, mababang sahod, limitadong benipisyo, kakapusan sa edukasyon, at iba pang mga problema.

Ito ang malaking pagkakamali sa usaping kampanya ng Liberal Party o mismo ng grupo ng dating DILG Secretary na si Mar Roxas. Na ang islogan na ipagpatuloy ang tuwid na daan, dahil ang tingin ng mamamayan ay lalong nalugmok sa kahirapan ang bayan simula ng maupo bilang presidente si Noynoy Aquino. Naniniwala ang bayan na mas tumindi ang krisis sa ilalim ni Aquino at ang mga kapalpakan ni Mar Roxas sa serbisyo ay naging batayan ng buong sambayanan  na hindi siya ang alternatibo sa mga problemang kinakaharap ng bansa. Napatunayan nila ito noong panahon na sinalanta tayo ng Bagyong Yolanda.

Dito biglang lumitaw si Digong bitbit ang isang alternatibo na bago sa kaisipan ng mamamayan, ang Federalismo. Nagsimula si Duterte na ikampanya ang Federalismo sa mga eskwelahan, unibersidad, at komunidad kung saan tinatalakay niya ang magandang direksyon ng bansa kung tayo ay nasa sistema ng Federalismo.

Mula sa nakakasawa na puros pangako ng mga kandidato tuwing eleksyon, na libreng edukasyon, labanan ang katiwalian, pagpapaunlad sa agrikultura, mataas na sahod, foreign investment, at kung anu-ano pa. Pumasok si Duterte dala-dala lang ang linya ng Federalismo, na naging patok sa masa.

Naniniwala si Duterte na ang desentralisasyon ng pambansang budget sa bawat rehiyon ay isa sa mga alternatibo upang masolusyunan ang kahirapan at mawakasan ang matagal ng kultura ng katiwalian.
Sa sistemang ito, magkakaroon ng pagkakataon ang bawat rehiyon na paunlarin ang agrikultura at industriya ng bawat nasasakupan nilang probinsya na manganganak ng maraming trabaho para sa mga lokal na mamamayan nito.

Sa simpleng pag-unawa, kahit anong lebel ng iyong kabuhayan, mauunawaan  ang ganitong sistema at dynamismo ng federalismo. Ang konseptong ito ay bagung-bago sa kaisipan ng bawat mamamayan. Oo nga, bakit hindi natin ito subukan?

3.     MIDDLE CLASS

Tulad ni Senator Miriam Defensor-Santiago na huling-huli ang kiliti ng mga nasa panggitnang-uri ay ganoon din si Digong. Ang middle class o panggitnang-uri ay mga propesyunal na nagtatrabaho sa iba't-ibang mga larangan, sila din ay mga estudyante na kritikal at mapanuri. Sila ang uring pinaka-agresibo at pangunahing lumilikha ng opinyong publiko. Sila ang pinakatarget ng kampanya ni Duterte dahil sila ang maimpluwensya sa pakikisimpatya.

Mga middle class din ang nangunguna sa opinyo sa iba't-ibang issue na kinakaharap ng bansa. Ayon daw sa chismis, ang mga nasa likod ng operasyon laban kay VP Binay para siya ay pabagsakin ay ang Liberal Party partikular ang binuong makinarya ng grupo ni Mar Roxas. Nang bumaba ang ratings ni Binay, hindi tumaas ang ratings ni Mar Roxas sa halip napunta ang simpatya ng mamamayam at middle class kay Senator Grace Poe. Minsang nanguna si Sen. Grace Poe sa survey sa maagang bahagi ng eleksyon kaya naman nakitaan ng Liberal Party na si Sen. Grace Poe na ang pangunahing kalaban ni Roxas sa kandidatura. Ayon sa chismis, dito bumuo ulit ang grupo ni Mar Roxas ng isang grupo na atatake laban kay Sen. Grace Poe kung saan tuturulin ang kwestiyon sa kanyang citizenship bilang Filipino. Nadismaya ang middle class, na ang ilan sa kanila noon ay malawak na taga suporta ni Sen. Grace Poe. Bumaba ang ratings ni Sen. Grace Poe pero hindi pa din napunta ang boto kay Mar Roxas.

Mula sa maanomalyang Makati City, kwestiyon sa citizenship ni Sen. Grace Poe, at kapalpakan sa serbisyo ni Roxas naging solido ang suporta ng middle class kay Duterte na isa sa pinakapundamental na makinaryang didireksyon sa pagkapresidente ni Duterte.

4.     ANTI CRIME AND DRUGS CAMPAIGN

Malakas sa middle class si Digong at ito ang pangunahing organisado at ispontanyong nangangampanya para sa kanya. Kaya naman ang pag-alam sa pangunahing problemang kinakaharap ng panggitnang uri ang isa sa pinagtuunan ng pansin ni Duterte.

Mga propesyunal, negosyate, at estudyante ang pangunahing biktima ng mga krimen at impluwensya ng iligal na droga. Karaniwang nabibiktima ng snatching, kidnapping, rape, at iba pa. Kaya naman ang kahilingan ng mga nasa panggitnang uri na maging ligtas sa krimen ang isa sa pinakatampok na nagpaingay sa pangalan ni Duterte bilang isang palaban, matapang, at galit sa droga na presidente.

Sa mga nagdaan na presidente, masasabi natin na si Duterte ay may pinaka-kakaibang aktitud at istilo sa pamumuno na siya namang hinahanap ng mga mamamayan sa kasalukuyan. Ang istilo nito sa pagsasalita at pagmumura sa publiko ay hindi naging sagka sa pagpapalaganap niya ng kanyang plataporma.

Ang pagiging maka-masa ni Duterte ang isa sa pamantayan ng mga botante upang siya ay iluklok sa posisyon bilang pangulo sa kabila ng madaming batikos na ibinabato sa kanya. Sa likod ng mga imahe niya na ito naniniwala pa rin ang mga panatiko na makakapamuno si Duterte sa pamamagitan ng kanyang kamay na bakal na para sa kalakhan ito ang kailangan ng isang wastong pinuno ng bansa.

5.     SOCIAL MEDIA

Malaki ang naging papel ng social media sa kampanya ni Digong. Tinarget ang middle class bilang pangunahing magdidireksyon ng boto at pasok sa sikmura nila ang kampanyang labanan ang krimen at droga. Ang middle class din ang pangunahing gumagamit ng social media gaya ng facebook, twitter, intagram, blogging, youtube, at iba pa. At gaya ng nabanggit ang middle class din ang agresibo sa paglikha ng opinyong publiko. Nakuha lahat ito ni Duterte na nabitbit siya ng isang solidong makinarya sa socila media.

Sa maagang bahagi pa lamang malakas na ang panawagan ng mga tinatawag na netizens o yung mga gumagamit ng social media na si Duterte ang pangunahin nilang sinusuportahan. Iba't-ibang mga organisasyon mula sa iba't-ibang antas ang sumusuporta kay Duterte online. At ispontayong bumabatikos ang ilang mga netizens na taga suporta ni Duterte laban sa mga kalaban niya sa kandidatura. Lalong naging matunog ang pangalan ni Duterte dahil ang impluwensya ng social media ay sumaklaw sa iba't-ibang sektor sa lipunan. Ito ay sapat ng batayan ang susunod na pangulo ay magmumula na nga sa Mindanao.


Dito nasagot ang aking mga katanungan na sa kabila ng panghihimasok ng U.S. sa bawat eleksyon na nagaganap sa Pilipinas ay hindi nila maikukubli ang organisadong boto at solidong suporta ng mga pilipino kay Duterte.

Sabi ni Boss B, kung sakali na matalo si Digong iyon ay napaka-imposibleng mangyari dahil makikita mo at mararamdaman mo sa sitwasyon ito ang matinding pagsusumamo ng suporta ng ating mga kababayan. Pagnatalo siya, aalsa ang mga mamamayan at kung sakali ito ang magiging pinaka-magulong eleksyon sa kasaysayan ng Pilipinas.

At totoo nga, nanalo si Digong. Ang imahe ng Davao City, ang federalismo, middle class, kampanya laban sa krimen-droga, at social media ang mga pangunahing naging sangkap ng estratehiya at taktika ng kampanya ni Duterte. At ang eleksyong 2016 ay isa sa pinakamakasaysayang panahon sa ating bansa dahil binago nito ang mukha ng ating politika.


Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.