Header Ads

Ano Ang Pag-ibig?

Masarap ang pakiramdam ng umiibig at iniibig. Kasama ito sa lahat ng pangarap ng lahat ng tao ngunit wag nyong iisipin na magiging cheesy ang article na ito.


Ngayon ating tatalakayin na ang itinuturing na misteryoso, makalangit, at mailap na pag-ibig ay nag-uugat lamang sa ating pisikal na katawan at mga kemikal sa loob ng ating utak.

PAKIKIPAGTALIK

Magsisimula tayo sa pinakabasic na pangangailangan ng tao. Bukod sa pagkain at tirahan, ang sex ang isa sa pinakamahalagang dapat na tugunan na mga miyembro ng bawat species.

Isipin nyo nalang na kung walang sex hindi magagawa ng mga pinaka-unang nilalang na magparami. Tayong mga tao ay hindi lilitaw sa mundong ito. Kaya naman ang sex ay isang survival instinct ng bawat isang organismo, mapahalaman man o hayop ay desperadong makipagtalik. Hindi lang tayo ang nag-iisa.

Kahit kailan ang mundo ay laging marahas kaya naman dapat lang sa bawat henerasyon ng mga nilalang, sila ay dapat na umuunlad. Kinakailangan na ang bawat organismo ay may maganda at malulusog na kapareha upang mas humusay ang kanilang magiging anak.

ATRAKSYON

Nagsisimula ang lahat sa atraksyon. Maraming paraan para makaakit ng kapwa pero ang pinaka nauuna ang kagandahan ng mukha, aminin man natin o hindi talagang agaw-tingin tayo sa magaganda't gwapo.

Natural na sa atin ang maakit sa mga magaganda, magagandang kotse, bahay, cellphone, at mga gamit. Gusto natin magkaroon ng magagandang bagay, yun din ang kaparehong dahilan kung bakit ang isa sa mga listahan ng paghahanap ng ating kapareha ay ang itsura.

Ang isa sa basehan ng kagandahan ay ang symmetry ng mukha. Maituturing na maganda ang isang tao kung ang kaliwa at kanang panig ng kanyang mukha ay balanse. Ang halos lahat ng magaganda't gwapong artista ay merong pantay na mukha, kagaya na lamang nila Tom Cruise, Brad Pitt, Natalie Portman at iba pa.

Sa kondisyon ng mukha rin natin makikita ang kalagayan ng isang tao, dito natin unang nadedetermina ang kanyang edad, kalusugan, ugali, estado sa buhay, at genetic health. Kung maganda ang mukha ng kaharap natin madaling akalain na angat siya sa lahat ng aspeto ng nabanggit at doon tayo attracted.

Ang isa pang pang-akit ng tao ay ang kanyang katawan. Gustong-gusto ito lalo na ng mga lalaki. Pero bakit handang irisk ng ilang mga lalaki ang kanilang buhay para lamang sa mahuhubog na dibdib at balakang. Isa lang ang dahilan, subconsciously gusto nila ng magandang maaanakan.

Ang pagkakaroon ng makurbang balakang ay senyales na madali sa babae ang magdala ng sanggol at manganak. Ang maalindog na harapan at likuran ay indikasyon rin na may magandang ratio ng taba ang babae sa kanyang katawan.

Ayon sa mga scientist, mas marami ang taba ng babae kaysa mga lalaki. Ito ay dahil mas kelangan nila ng maraming reserba ng enerhiya sa pag-aalaga ng sanggol. Lalo na noong unang panahon na laganap ang taggutom at krisis.

Noong unang panahon din, pisikalan ang kalakaran para mabuhay, ang mas malalaki at malalakas na lalaki ang may advantage sa pangangaso at pagtatanggol sa kanilang pamilya. Kaya naman attracted ang ibang mga babae sa mga maskulados na katawan.

Bukod sa pisikal na kaanyuan, may mga dahilan pa kung bakit tayo naaakit sa isang tao. Ito ay sa amoy, tunog ng boses, ugali, at estado ng buhay.

AMOY

Unahin natin ang amoy, bawat isa sa atin ay may amoy. Pero hindi naman ito yung nakakasulasok na amoy. Ito yung amoy na kalimitang hindi natin napapansin na tinatawag na pheromone. Ang ating pheromone at immune system ay magkakonekta. Subconsciously, attracted tayo sa mga potential partner na may naiiba at malakas na immune system. Iyon ay upang mas lumakas ang immunity ng ating magiging anak. Sa isang pambihirang dahilan nalalaman natin kung bagay ba sa atin ang immune system ng isang opposite sex sa pamamagitan ng pangsinghot ng kanyang pheromone.

BOSES

Naakit din ang isang tao sa kalidad ng boses. Kalimitan tayong nagkaka-crush sa mga dj at announcer dahil sila ay tunog maganda. Sinasabi na ang mga babae na may high pitched na boses ay mas marami ang hormone ng estrogen at progesterone sa katawan na mainam sa kanilang reproductive health. Ang mga lalaki na may mabababang boses naman ay mas marami ang testosterone, isang hormone na nakakapagpamacho at nakakapagpalakas sa kalalakihan.

UGALI

Sinasabi ng halos lahat ng kababaihan na ang mahalaga para sa kanilang manliligaw ay ang ugali lalo na ang kabaitan at sense of humor. Bilang isang tao ang pinakamahalagang parte ng ating kapaligiran ay ang kapwa tao rin. Sa kooperasyon at pagtulong ng ating mga kasama nanggagaling ang halos lahat ng ating pangangailangan.

Kung mas mabait ang tao at magaling sa pagkuha ng loob ng kapwa mas napapalaki niya ang kanyang koneksyon. Mas marami ang makukuha niyang tulong mula sa iba. Hindi na nakakapagtaka na maraming kaibigan ang mga mahuhusay sa pagsasalita at pagpapatawa.

ESTADO SA BUHAY

Aminin man natin o hindi mahalaga ang kayaman sa buhay. Sa mga lalaki noong panahon pa ng hunter gatherer era ang mga lalaking may access sa tubig at pagkain ay pinapaboran ng mga babae. Sa modernong panahon ang mga taong mayayaman at makapangyarihan ay mas attractive. Hindi lang yun sa dahilan na gold digger ang may gusto sa kanila, kundi biologically speaking mas magsusurvive ang mga anak nila sa taong naka-aangat.

Ito ang isa sa mga inderektang dahilan kung bakit gumagastos tayo ng malaki sa mga magagarbong kotse, bahay, damit, at gamit. Subconsciously, kailangan din nating magmukhang angat at kayang bumuhay ng isang pamilya. Sa lahat ng nabanggit ng nakakapang-akit ng isang tao, hindi ko po sinasabi na kaya lang na-i-inlove ang isang tao ay dahil sa itsura lang, o ugali, o ang pinakamasama ay sa pera.

Ang iba't-ibang kombinasyon ng mga factors na ito ang siyang nagtutulak sa tao na maakit sa kanyang potential na kapareha. Ngunit ang pag-ibig ay hindi lamang tungkol sa sex, tungkol din ito sa pag-ibig mismo. Bakit tayo nababaliw, hindi makakain, at makatulog sa kaiisip sa mahal natin?

PAG-IBIG

Bakit may mga mag-asawa na tumatagal ng habang buhay samantalang tapos na sila sa pagpapalaki ng anak? Sa totoo lang, ito ay nag-uugat lamang din sa biolohikal na dahilan.

Kapag tayo ay naiinlove para din tayong naaadik sa isang tao. Ang totoo, literal na naaadik tayo sapagkat ang epekto ng drogang heroine at romantic love ay may kaparehong tama sa utak. Sa tuwing nakakadaupang-palad natin ang ating minamahal at sa bawat pagsasama ang ating utak ay naglalabas ng dopamine, ito ang isa sa mga kemikal na tinatawag na happiness hormone at ano ang gagawin ng isang tao kapag nakatikim siya ng kaligayahan, ang maghanap ng mas marami pang kaligayahan.

Kaya ayaw nating mawalay sa ating sinisinta, siya ang sanhi ng ating mas maraming kaligayahan. Ngunit bakit idinisenyo tayo ng kalikasan na maging addicted sa kapareha? Ito ay upang itulak tayo na samahan ang ating minamahal hanggang tayo ay magka-anak at makapagparami.

Kung ganon man, bakit pagkatapos natin anakan ang ating kapareha bakit hindi nalang tayo tumatakbo o lumilipad palayo na parang mga hayop? Ito ay dahil pa rin sa kahenyohan ng kalikasan. May isa pang hormone ang ibinigay sating mga tao upang tayo ay maging loyal sa ating kinakasama, ang vasopressin.

Mayroong isang hayop na tinatawag na Prairie Vole na kagaya nating mga tao, sila ay mga monogamous. Nakikipagniig sila at nakikisama habang buhay sa nag-iisa nilang kapareha. Nadiskubre ng mga scientist na ang dahilan ng loyalty na ito ay ang vasopressin. At tayong mga tao ay mayroon din nito.

Sinasabi na ang epekto ng vasopressin ay kagaya din ng mga happiness hormones, ngunit sa pang mas matagalang epekto. Idinisenyo tayo ng ganito upang ang dalawang magulang ay magsama sa paggabay sa kanilang mga anak hanggang paglaki.

Sinasabi ng mga scientist na ang pag-ibig ay nasa utak lang, sa palagay ko na dapat lang naman talaga na nasa utak ang pag-ibig, ito ay pinag-iisipan dapat ng husto lalo na ngayon na lumalala ang kaso ng kahirapan at broken family.



Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.