Header Ads

Paano Nagsimula Ang Buhay?

Ito ang pinakamaganda, pinakakumplikado, at pinakamisteryosong bagay sa buong universe. Lahat tayong mga nilalang ay meron nito. Nakikita ito sa lahat ng sulok ng daigdig, at sa ngayon ay pinag-aaralan pa kung ito ba ay natatagpuan lamang dito. Ito ay walang iba kundi ang 'buhay'.


Saan nanggaling ang buhay? Paano ito nagsimula? Ang lahat ng klase ng relihiyon ay may sagot dito. At ngayon, inyong matutunghayan sa artikulong ito ang bersyon ng agham.

Ang buhay ay nagsimula at least 3.8 billion years ago, kulang-kulang isang bilyong taon pagkatapos mabuo ang earth. Para makagawa ng buhay, nangangahulugan na dapat ito ay magsimula sa mga walang buhay na bagay.

Paano nangyari na nabuo ang pinakaunang selyula mula sa simpleng lupa, tubig, at hangin? Ang ating imbestigasyon ay magsisimula sa tubig at organic compounds.

Ang tubig ay mahalaga sa pagbuo ng buhay sapagkat ito ang nagsisilbing medium nito. At dahil ang tubig ay laging gumagalaw, magandang sangkap ito para mapaghalo-halo at mapagdikit-dikit ang mga organic compounds.

Ang organic compounds naman ay mga chemical compounds kung saan ang mga molecules nito ay naglalaman ng carbon. Ang ilan sa halimbawa nito ay vitamins, hormones, sugar, DNA, fats, at amino acids.

Sa lahat ng elements, ang carbon ang pinakamagadang sangkap ng buhay sapagkat madali para ditong gumawa ng mahahaba at kumplikadong kumbinasyon ng molecules. Dati, inaakala ng mga scientist na ang organic compounds ay natatagpuan lamang din sa mga living things. Ngunit sa isang eksperimento na isinagawa ni Stanley Miller at Harold Urey noong 1953, nadiskubre na ang mga organic compounds ay kaya din palang magproseso mula sa mga simple at di-nabubuhay na bagay.

Ang magulo at bayolenteng kundisyon ng sinaunang earth ay ginaya ni Miller at Urey sa isang laboratoryo. Ganito ang kanilang set-up: Ang isang malaking garapon ay nilagyan ng tubig at pinakuluan, ito ang representasyon ng sinaunang dagat na nagbubuga ng steam sa hangin. Ang water vapor ay dadaloy sa isang tubo at didiretso sa isang garapon na puno ng pinaghalong methane, ammonia at hydrogen. Ito naman ang representasyon ng sinaunang atmosphere.

At dahil noon ay malimit ang pagkidlat, ang mixture ng gaseous compounds at water vapor ay inexpose sa kuryente. Ang lumamig na tubig na produkto ng chemical reactions sa loob ng pangalawang garapon ay babalik sa unang garapon at muling mauulit ang proseso.

Sa loob ng dalawang linggo ng tuluy-tuloy na operasyon, isang nakamamanghang resulta ang lumabas. Ito ay nagproduce ng organic compounds partikular na ang amino acids. Ang amino acids ay mahalaga sapagkat ito ang bumubuo sa proteins. Ang proteins naman ang syang bumubuo sa lahat ng parte ng katawan ng lahat ng organismo. Simula sa cell at tissue, hanggang sa buto, laman, at balat. Patunay ang eksperimentong ito na hindi imposibleng magmula ang building blocks ng buhay mula sa mga simpleng bagay.

Ang mga organic compounds na nabuo mula sa dagat at atmosphere ng sinaunang earth ay posibleng napadpad sa mga mababaw na parte ng dagat na kagaya nito. Dahil sa araw, nag-eevaporate ang tubig at ang mga organic compounds ay nako-concentrate. At ito ang posibleng nag-lead sa pagkakabuo ng pinakaunang cell. Ang tawag sa teoryang ito ay primordial soup.

Ang problema sa teoryang ito, kung posible man na dito nabuhay ang pinakaunang cell, madali itong mapapatay ng ultra-violet light mula sa matagal na exposure sa araw. At dahil dito, tumingin ang mga scientist sa iba pang mga lugar at kundisyon kung saan posibleng mabuo ang buhay. Ito ay sa mga hydrothermal vents, clay, yelo, at ang pinaka-weird sa lahat, ang outer space.

Noong una ay ipinagpapalagay na walang nabubuhay sa mga malalalim na parte ng karagatan. Hindi abot ang sinag ng araw dito kaya imposibleng maganap ang photosynthesis. At kapag walang photosynthesis, walang food chain.

Ngunit sa makailang beses na ekplorasyon dito, nadiskubre na namumutiktik din ito sa mga nilalang lalo na sa mga malalapit sa hydrothermal vents. Ang mga tila maliliit na bulkan na ito ay naglalabas ng mga substances kagaya ng hydrogen sulfide at methane.

Ang mga kemikal na ito ay nagrere-act sa tubig-dagat at nagpoproduce ng organic compounds kagaya ng sugar na sya namang pagkain ng mga hayop dito. Noong unang panahon, posibleng ang mga organic compounds na nabuo malapit sa mga hydrothermal vents ang siyang bumuo sa pinakaunang cell.

Maaaring sa dagat naunang nag-umpisa ang buhay ngunit posible rin umano na nabuo ito mula sa putik. Ang clay ay magaling sa pag-iimbak ng tubig at iba't-ibang klase ng mineral. Ito ay gumagawa rin ng mga pattern sa form ng crystals.

Sa tamang kundisyon, ang isang layer ng crystal ay kinokopya ang sarili at gumagawa ng isang panibagong layer. Nauulit ang prosesong ito hanggang lumaki ang buong crystal. Nangangahulugan ito na ang mga crystal ay may kakayahang magparami at magpamana ng katangian. Ang isang cell ay kagaya din nito; nagrereplicate at nagpapasa ng hereditary traits.

Noong una, posibleng ang mga organic compounds ay dumikit sa pagpaparami ng crystals. Sa pagdaan ng panahon, ang mga organic molecules ay nagkaroon din ng patterns  na may kakayahan ding magparami at magpasa ng genetic information. Maaaring dito nagmula ang protina at RNA na sa katagalan ay magiging DNA. Samakatuwid, ayon sa clay theory, ang buhay ay literal na nanggaling sa putik.

Ang buhay ay posibleng nabuo mula sa mga warm na lugar. O posible rin namang sa malalamig.

Apat na bilyong taon na ang nakalilipas, ang araw ay 30 percent na mas bawas ang init kaysa sa ngayon. Ang ilang parte ng globo ay nabalutan ng yelo. Sa pagtatransform ng tubig papunta sa solid, ito ay nagtrap ng gas mula sa atmosphere kagaya ng methane at cyanide.

Sinasabi na sa loob ng ilang millyong taon, ang molecules ng mga simpleng gas sa mga siwang ng yelo ay na-concentrate at gumawa ng mahahaba at kumplikadong chains ng organic molecules, na sya namang bumuo sa proteins at RNA.

Kung sa yelo man nagsimula ang buhay, nangangahulugan ito na posible din na magkaroon ng buhay sa mga nagyeyelong parte ng solar system at galaxies. At dahil dito, pupunta naman tayo sa huling teorya ng pinanggalingan ng buhay, ang outer space. Ang tawag sa teoryang ito ay panspermia.

Noong kasisimula pa lamang na mabuo ang earth, ito ay inulan ng madaming kometa at asteroids. Ang ilan sa mga ito ay may dalang yelo. Ito ang rason kung bakit naging kulay asul ang ating daigdig. At dahil ang mga batong ito mula sa kalawakan ay may tubig, napag-isipan ng mga scientist na posibleng naglalaman ito ng organic compounds, o di kaya naman ay mga simpleng microorganisms.

Noong 1963, isang meteorite ang bumagsak sa Murchison Australia at nadiskubreng ito ay naglalaman ng madaming amino acids na kagaya ng nakita sa Miller-Urey experiment. Ang mga buwan ng Saturn at Jupiter ay nababalutan din ng yelo kaya ina-assume ng mga scientist na posibleng may buhay din dito.

Sa pag-impact ng mga kometa at asteroids sa sinaunang earth, ang matiding init at pressure ay posibleng nagresulta pa sa mas kumplikadong kumbinasyon ng organic molecules na dala nito.

Kung posible na ang mga sangkap ng buhay ay laganap sa outer space, hindi malabong isipin na doon nanggaling ang ating pinakaunang ninuno. Posibleng tayo ang mga alien na matagal na nating hinahanap. At sa lawak ng universe, hindi rin mahirap isipin na tayo ay nag-iisa.

Ngunit sa dami ng mga teoryang ito kung paano nagsimula ang buhay, alin ba dito ang tama? Paano eksakto nabuo ang pinakaunang selyula na sa katagalan ay nag-evolve sa mga mas matataas na organismo kagaya nating mga tao? Ang totoo, hindi pa ito alam ng siyensya.

Wala pang direktang ebidensya at kumpirmasyon kung paano tayo nagsimula. Sa ngayon ay walang tigil ang mga eksperto sa paghahanap ng sagot dito.

Pero ang kawalan ng sagot ay hindi masamang bagay. Ang pinakaimportante ay ang walang tigil na pag-uusisa sa misteryong ito. Simula nang mapasa sa agham ang pag-aaral sa buhay at ang posibleng simula nito, dito nabuo ang madaming mahahalagang discoveries sa medisina at teknolohiya.

Sa pag-uusisa ng tao sa buhay, dito naging madali, at humaba ang ating buhay. Gayunpaman, may mga clue na tayo kung paano umusbong ang ating pinakaunang ninuno. Basically, ang isang cell ay binubuo ng dalawang mahahalagang functions. Ang replication at ang metabolism.

Ang replication ay ang kakayahan ng cell na gumawa ng sariling kopya at magparami. Pinaniniwalaang ang unang set ng complex molecules na nakagawa nito ay ang RNA.

Ang metabolism naman ay ang kakayahan ng cell na kumuha ng raw materials mula sa kapaligiran at i-convert ito sa enerhiyang kailangan ng cell para mabuhay. Ito ay naisasagawa sa tulong ng proteins.

Hanggang ngayon ay pinagdedebatihan pa ng mga eksperto kung ano ba ang nauna: Ang replication ba o ang metabolism? Ang RNA ba o ang mga protina na naproduce mula sa mga teoryang ating napag-usapan?

Alin man ang nauna, dumating ang oras na ang RNA at proteins ay napagsama sa loob ng isang membrane. Ang cell membrane ay ang container ng cell at ang nagsisilbing proteskyon nito. Malaki ang posibilidad na ang cell membrane ay nagmula sa kalawakan dahil sa mga natagpuan na ganitong klase ng spherical structure sa Murchison meteorite.

Sa pagdaan ng milyun-milyong taon, ang mga proto-cell na ito ay nag-evolve. Ang RNA ay naging DNA, ang mga protina ay mas gumaling bilang life support system, at ang mga cell membrane ay mas naging epektibo. Hanggang sa makumpleto ang mga single-celled organisms kagaya ng bacteria. At simula noon, ang buhay ay hindi na napigilan pa.

Ang simula ng buhay ay misteryoso. Sa sobrang kumplikado nito, wala pang nakakagaya nito artificially. At sa tinagal-tagal na pagtitig ng tao sa kalawakan, wala pa tayong nakikita na kagaya natin.

Sinasabi ng ilang biologist at mathematician na ang tyansa para makabuo ng buhay mula sa mindless na biological, chemical at physical processes ay sobrang liit lang, imposible kumbaga.

Gawa man ito ng sobrang henyong kaisipan o ng perpektong pagkakataon, ang buhay ay mananatili pa ring nakakabilib.


Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.